Hinimok ni Senate Committee on National Defense Chairperson Jinggoy Estrada, ang mga state members ng 31st Asia-Pacific Parliamentary Forum (APPF) na maghayag na ng seryosong concern kaugnay sa pinakabagong development sa West Philippine Sea (WPS).
Kaugnay na rin ito sa pinakahuling pangha-harass ng China sa Pilipinas sa West Philippine Sea kung saan binombahan ng tubig ang barko ng ating Philippine Coast Guard (PCG) habang nasa gitna ng resupply mission sa Ayungin Shoal.
Sa ginanap na plenary session ng APPF Political and Security Matters, iginiit ni Estrada na ang mga insidente ng panggigipit sa atin sa West Philippine Sea ay banta sa kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
Binigyang-diin ng senador, na bilang mga kinatawan ng gobyerno ay kailangan nilang tugunan ang isyu sa diplomatikong pamamaraan.
Nilinaw naman ni Estrada, Co-Chair ng nasabing working group, na ang paghahayag ng usapin na ito ay hindi naman layong manisi o para pumanig sa isang bansa kundi ito ay para maigiit ang rules-based international order.
Kasabay nito, hinimok ng senador ang lahat ng partido na gawing prayoridad ang dialogue at diplomasya imbes na kompetisyon.
Kumpyansa naman si Senator Ronald “Bato” dela Rosa, na nakikinig naman sa mga pahayag ni Estrada sa West Philippine Sea ang mga delegado mula sa China na kasama rin sa APPF31.