Hinimok ni Senate Committee on Labor Chairman Jinggoy Estrada ang mga employer na magpakita ng malasakit sa mga manggagawang papasok at hindi papasok sa trabaho sa gitna ng matinding init ng panahon.
Kasunod na rin ito ng inilabas na advisory ng Department of Labor and Employment (DOLE) kung saan ang mga empleyadong may comorbidity o iniindang karamdaman ay maaaring hindi pumasok sa trabaho dala na rin ng panganib ng sobrang init ng panahon pero ang pagliban sa trabaho ay walang sweldo o kaya naman ay maaaring gamitin ng empleyado ang naipon na leaves.
Ayon kay Estrada, dapat tiyakin na hindi mabibigatan sa sitwasyon na ito ang mga manggagawa at hindi dapat balewalain ang financial strain na maaaring maging epekto nito sa mga empleyado.
Hiniling ng senador na ikonsidera rin ng mga employer ang kanilang mga empleyado na walang sapat na leaves at magpakita ng malasakit at pangunawa sa ganitong mga sitwasyon na nakakaranas tayo ng extreme weather condition.
Bukod dito ay umapela si Estrada sa mga employer na bigyan ng dagdag na insentibo o benepisyo ang mga manggagawa na papasok pa rin sa kabila ng matinding init ng panahon bilang pagpapakita na patas at kinikilala rin ng mga employer ang kapakanan ng kanilang mga empleyado.