“Wait and see” muna sa epekto ng mga bagong pasang batas na pang-ekonomiya.
Ito ang sinabi ni Majority Leader Joel Villanueva sa gitna na rin ng pagsisimula ng Senado sa pagtalakay ng pag-amyenda ng economic provisions ng 1987 Constitution.
Ayon kay Villanueva, bago suportahan ang mga hakbang para sa Charter Change (ChaCha) partikular sa pag-amyenda ng economic provisions ay hintayin at tingnan muna ang epekto ng mga ipinasang bagong batas na magpapaluwag sa pagpasok ng mga foreign direct investment sa bansa.
Ang mga batas na ito na tinukoy ni Villanueva ang Public Service Act, Foreign Investments Act, at Retail Trade Liberalization Act.
Hindi rin kumbinsido ang senador sa naunang pahayag ni Senator Robin Padilla na nagsusulong ng ChaCha sa Senado, na ang pag-amyenda na lamang sa economic provisions ang tanging paraan para mapalago ang trade at investments sa bansa.
Sinabi pa ni Villanueva na maging ang marami sa mga senador ay nais ding makita muna ang epekto sa ekonomiya ng mga nabanggit na batas bago silipin kung talagang ang pag-amyenda sa economic provisions na ba ang dapat gawin.