Pinakikilos ni Senator Nancy Binay ang mga lokal na pamahalaan na itaas ang kalidad ng mga street at local food sa kanilang nasasakupan upang mapalakas ang turismo sa bansa.
Ayon kay Binay, Chairperson ng Senate Committee on Tourism, palagi na lamang takot ang mga naglalako ng pagkain sa lansangan na mapaalis, ma-demolish at ma-harass dahil itinuturing silang illegal vendors na walang wastong sanitation certification at business permit mula sa mga Local Government Units (LGUs).
Hinimok ni Binay ang mga lokal na pamahalaan na tulungan ang mga street food vendor na tukuyin ang mga vending at no-vending zones upang maging maayos din ang daloy ng mga tao at trapiko.
Dagdag pa ng mambabatas na matulungan din ng mga LGUs ang mga nagtitinda ng street food na magsanay sa sanitation at safety practices, food preparation, handling at pagsisilbi ng pagkain upang maitaas ang kalidad ng street food experience ng mga local at mga turista sa bansa.
Inihalimbawa ni Binay ang mga food markets sa ibang mga bansa sa Asya na talagang dinarayo ng mga turista na nakatutulong sa pagpo-promote ng kanilang culinary sa buong mundo at nakapagpataas pa ng turismo sa kanilang mga bansa.