Senador, hinikayat ang mga paaralang magsagawa ng inspeksyon sa mga gusali at silid-aralan

Hinimok ni Senator Sherwin Gatchalian ang mga pampublikong paaralan sa National Capital Region (NCR) na magsagawa ng inspeksyon sa mga paaralan ngayong sunod-sunod ang malalakas na lindol sa bansa.

Sinuspindi ng Department of Education (DepEd) ang klase mula kahapon hanggang ngayon, araw ng Martes, sa Metro Manila bunsod na rin ng pagtaas ng mga kaso ng influenza-like illnesses sa maraming paaralan.

Ayon kay Gatchalian, mahalagang samantalahin naman ng mga eskwelahan ang class suspension para inspeksyunin ang mga silid-aralan at iba pang pasilidad upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, mga guro, at iba pang school personnel.

Kasabay nito ang pagsagawa ng disinfection sa mga paaralan upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.

Iginiit ni Gatchalian na hindi pwedeng hintayin ang sakuna bago kumilos at binigyang-diin na kaligtasan ang pangunahing tungkulin ng lahat ng mga paaralan.

Facebook Comments