Hiniling ni Senator JV Ejercito ang agad na pagsasabatas sa Senate Bill 2458 o ang Revised Animal Welfare Act.
Ang apela ng senador ay kaugnay na rin sa insidente ng brutal na pagpatay ng isang lalaki sa isang aso sa Camarines Sur na nag-trending sa social media.
Ayon kay Ejercito, bilang isang dog lover, nakakapanlumo na masaksihan ang nangyaring pagpatay sa golden retriever dog na si Killua.
Kinukundena ng senador ang pagpatay sa aso na aniya’y isang paglabag at pagsuway sa batas na nagbibigay proteksyon sa mga hayop.
Hiniling ni Ejercito na maaprubahan sa lalong madaling panahon ang Revised Animal Welfare Act upang mas mapalakas pa ang batas na pumoprotekta sa mga hayop at maiwasan na ang mga ganitong karahasan o animal cruelty.
Nanawagan din ang senador sa publiko na magpakita ng awa sa mga hayop at sikaping itrato ang mga ito ng may pag-aalaga at pagrespeto dahil ito ay nararapat din sa kanila.