Kinalampag ni Senator Nancy Binay ang Philippine Retirement Authority (PRA) na mahigpit na suriin ang mga visa applications ng mga dayuhang kumukuha ng Special Resident Retiree Visas (SRRV).
Kasunod na rin ito ng pagkakaaresto ng Bureau of Immigration sa apat na Chinese nationals na pinaghihinalaang nasa likod ng paglaganap ng iligal na pagkuha ng mga government-issued IDs at iba pang dokumento kabilang na ang Philippine passport at kwestyunableng SRRV.
Sinabi ng senadora na ang pag-iisyu ng renewal ng SRRV ay matagal nang naabuso at isa na rito ang pagkakaaresto noong nakaraang taon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang mataas na opisyal ng PRA na napag-alamang iligal na nag-iisyu ng SRRV cards sa mga dayuhan.
Giit ni Binay, ang visa fraud at paggamit ng fake identities ng mga dayuhan ay nakaapekto sa national security ng bansa kaya dapat ay mayroong ilatag na security measures kung saan hihigpitan ang vetting process ng mga applications anuman ang nationality ng isang dayuhan.
Hiniling pa ni Binay ang pagkakaroon ng ‘whole-of-government response’ para matukoy ang mga sindikato gayundin ang pagpapataw ng mahigpit na aksyon laban sa mga foreign nationals na sangkot sa iligal na aktibidad.