Senador, hiniling ang mahigpit na ugnayan ng CHED at DepEd para sa mga maaapektuhang estudyante kaugnay ng paghinto ng SHS program sa mga HEI

Nanawagan si Senator Chiz Escudero sa Commission on Higher Education (CHED) at sa Department of Education (DepEd) na makipagugnayang mabuti para matiyak na walang estudyante ang maaapektuhan ng pagpapahinto ng senior high school (SHS) program sa mga state at local universities and colleges.

Sinabi ni Escudero na Chairman ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education na kahit pa legal ang hakbang ng CHED na iutos ang pagpapahinto ng SHS program sa higher education institutions (HEIs), mahalaga pa rin aniyang matiyak ang kapakanan ng mga mag-aaral na maaapektuhan nito.

Pinatitiyak ng senador na walang estudyante ang maiiwan at mahalagang magusap tungkol sa development na ito ang CHED at DepEd.


Inaatasan ni Escudero ang DepEd na maiging bantayan sa pamamagitan ng kanilang mga regional offices kung may mga estudyanteng nanganganib na ma-displaced dahil sa hindi na pagaalok ng programa sa mga SUCs at LUCs.

Kinilala naman ng mambabatas na pinayagan lamang noon ang mga SUCs at LUCs na tumanggap ng senior high school students para i-accommodate ang mga estudyante habang nasa transition period pa ang K-12 program.

Facebook Comments