Senador, hiniling ang pagkakaisa para sa pagpapalakas ng mga produkto at lokal na industriya sa bansa

Hiniling ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara ang ganap na pagtutulungan ng lahat ng sektor para sa pagpapalakas ng mga produkto at lokal na industriya.

Binigyang-diin ni Angara na kailangan ngayon ng ‘total national effort’ na nakasentro sa pagpapalago ng mga produktong Pilipino na de kalidad at maipagmamalaki sa buong mundo.

Inihain ng senador ang Senate Bill 2218 na nag-aatas para sa pagbuo, pagpopondo, pagpapatupad, pagbabantay at pag-aaral para sa isang komprehensibong multi-year Tatak Pinoy Strategy.


Tinukoy ni Angara ang ilang malalaking kumpanya sa buong mundo na may planta rito sa Pilipinas na gamit ang ating manpower at raw materials kung kaya’t nais ng mambabatas na gamitin natin ang ating sariling kakayahan na makabuo ng mga produktong pang-export quality na makakatulong pa sa mga lokal na industriya, makapagbibigay ng dagdag na trabaho at magagawa pa ang hangarin na maisulong ang mga Tatak Pinoy na produkto.

Iginiit ng senador na pagsikapan ng gobyerno at pribadong sektor na mapahanay sa mga mauunlad na bansa sa pamamagitan ng paglikha ng mga ‘complex products’ dahil kung titingnan ay mas competitive at mas maunlad ang mga bansang ito kumpara sa mga bansang gumagawa ng simple at limitadong produkto.

Punto pa ng senador, kung nais ng gobyerno na tuparin ang nilalaman ng Philippine Development Plan at abutin ang target na 6.5 hanggang 8 percent na growth rate mula 2024 hanggang 2028, ay kailangang pagsumikapan ito ng pamahalaan.

Facebook Comments