Iminungkahi ni Senator Francis Tolentino ang paglikha ng Special Prosecution Task Force ng Negros Oriental sa gitna na rin ng kasalukuyang estado ng ‘peace and order’ sa lalawigan.
Sa pagdinig ng Senado sa karumal-dumal na pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo ay humarap ang mga pamilya ng mga biktima ng pagpatay sa Negros Oriental na itinuturo kay suspended Cong. Arnie Teves Jr.
Bunsod nito ay isinulong ni Tolentino ang paglikha ng isang special committee na siyang hahawak sa mga murder cases sa probinsya lalo na ang mga kaso ng pagpatay bago pa mangyari ang pagpaslang kay Gov. Degamo.
Ang Special Task Force ng Negros Oriental ay bubuuhin ng tatlong special prosecutors para mapabilis ang pag-usad ng mga violence-related case sa lalawigan.
Inatasan naman ang Special Task Force na magbigay ng update sa Senado upang ma-monitor din ng mga senador ang developments sa mga kaso.
Agad namang tumugon ang DOJ sa suhestyon ni Tolentino dahil ilang beses na ring ginawa ito ng ahensya lalo na sa mga lugar na may tensyon at para maiwasan ang kabiguan sa pagkamit ng hustisya.