Hiniling ni Senator Sherwin Gatchalian kay Pangulong Bongbong Marcos na magsalita na tungkol sa posisyon nito sa Charter change (Cha-cha) partikular sa itinutulak na People’s Initiative ng Kamara.
Kung si Gatchalian ang tatanungin ay napakahalaga sa kanya ng sentimyento ng pangulo upang matugunan ang magkaibang paraan na gusto ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa pag-amyenda ng Konstitusyon.
Giit ng senador, mahalaga na gamitin ng pangulo ang kanyang boses para maiwasan ang potensyal na political crisis bunsod ng banggaan sa pagitan ng Senado at Kamara.
Aminado ang senador na isa ito sa kanyang kinatatakutan dahil maaapektuhan ng pagtaas ng tensyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang pag-apruba ng mga panukalang batas at maging ang pagbibigay ng serbisyo sa publiko.
Panahon na aniya para manghimasok ang pangulo dahil sa posibilidad na mauwi ang sitwasyon sa krisis na magbubunga ng ‘uncertainty’ o kawalang katiyakan at hindi ito maganda sa ating potential investors, sa mga negosyante at sa ekonomiya.
Hindi aniyang malabong maapektuhan nang tuluyan ang relasyon ng Senado at Kamara pero sa ngayon ay patuloy namang nag-uusap ang mga lider ng dalawang kapulungan sa pag-asang maaayos ang usapin sa Cha-cha.