Senador, hiniling na bigyan ng pensyon ang mga elected officials at staff kahit hindi naka-15 taon sa serbisyo

Umapela si Senate Minority Leader Koko Pimentel sa Government Service Insurance System (GSIS) na payagan ang mga elected officials at mga staff nito na makakuha ng pensyon kahit hindi nakumpleto ang 15-year na minimum service requirement.

Ayon kay Pimentel, ikinalulungkot niyang malaman na maraming mga elected officials at public servants na temporary at co-terminus ang status sa national at local level ang magreretiro na walang retirement fund at pension dahil hindi nakumpleto ang 15 taon na serbisyo na hinihingi ng Republic Act 8291.

Tinawag ng mambabatas na ‘unfair’ o hindi patas ang probisyon ng nasabing batas para sa mga government employees at elected officials na kinulang sa 15-year service requirement.


Partikular na nananawagan ang senador para sa mga local officials at sa kanilang mga staff na nagsilbi ng siyam na taon sa gobyerno pero hindi ma-qualify o makapasok sa hinihinging taon ng pagseserbisyo para mapagkalooban ng pensyon.

Kabilang sa mga local officials na maaaring mahalal ng magkakasunod na tatlong termino o kabuuang siyam na taon ay ang councilors, mayors, vice-mayors, governors, vice-governors, at congressmen habang sa national na Presidente at Bise Presidente naman ay hanggang anim na taon at walang probisyon para sa re-election.

Giit ni Pimentel, ang malaking diperensyang ito sa term limit ng isang halal na opisyal at ang 15-year minimum requirement ay mistulang nagbabalewala sa serbisyong naibigay ng elected official at kanilang mga tauhan.

Nagpahayag naman ng kahandaan si Pimentel na magsulong ng panukala para rito sakaling kailanganin ng GSIS ng ligal na basehan para sa nasabing proposal.

Facebook Comments