Iginiit ni Senator Joel Villanueva na may dapat na managot sa mga flood control project ng pamahalaan.
Ito’y makaraang maranasan sa Metro Manila ang mataas at matinding pagbaha dulot ng Super Typhoon Carina at habagat gayong daang bilyong piso ang inilaan na pondo rito ngayong taon.
Giit ni Villanueva, ang dating ngayon ay mistulang naging inutil ang gobyerno dahil taon-taon sila nagbibigay ng pondo subalit hindi naman nakikitaan ng improvement at hindi rin nararamdaman ng bayan na epektibo ang proyekto.
Pabor ang senador sa imbestigasyon ng mga flood control project kung saan dapat aniyang matanong ang DPWH tungkol dito lalo’t sila ang pangunahing implementing agency.
Tinukoy pa ni Villanueva na hindi lang DPWH ang may pananagutan dahil ito ay buong gobyerno na dahil mayroon ding mga kanya-kanyang flood control programs sa DENR, MMDA at Department of Agriculture.