Senador, hiniling na panghimasukan na ng gobyerno ang mga interconnectivity project para sa suplay ng kuryente

Inirekomenda ng ilang senador na manghimasok na ang gobyerno sa mga itinatayong interconnectivity projects para makapagbigay ng suplay ng kuryente sa iba’t ibang mga lalawigan.

Ang suhestyong ito ay ginawa ni Senator Imee Marcos matapos masita ang delay sa pagtatayo ng mga transmission line project na nasa ilalim ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Pero ayon kay Senator Sherwin Gatchalian na siyang dumipensa sa budget ng Department of Energy o DOE sa plenaryo, inaksyunan na ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang problema at pinagpaliwanag na rin ang NGCP sa pamamagitan ng inisyung show cause order hinggil sa mga delayed na proyekto.


Iminungkahi ng senadora sa ahensya na pumasok na lamang sa government consortium tulad ng Maharlika Investment Corporation para sa pagtatayo ng interconnection projects.

Sinang-ayunan naman ito ni Gatchalian at aniya kung walang kakayahan na magtayo ang NGCP ng critical infrastructure ay marapat lamang na gawin ito ng gobyerno at isa ito sa mga pinagaaralan ngayon ng DOE.

Facebook Comments