Senador, hiniling sa AMLC na pag-aralan ang pagpapatupad ng freeze order sa mga yaman ni suspended Mayor Alice Guo

Ipinakukunsidera ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang pag-iisyu ng kautusan na i-freeze ang lahat ng assets ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ang suhestyon ni Estrada ay kaugnay na rin sa mga alegasyon at mga lumutang na ebidensya laban kay Guo lalo na ang pagkakasangkot nito sa mga iligal na operasyon ng POGO sa Bamban.

Aniya, mahalaga na magkaroon ng desididong aksyon ang AMLC para maingatan ang integridad ng pondo ng taumbayan, matiyak na may pananagutan at maisulong ang transparency.


Mahalagang hakbang aniya ito para mapigilan ang pag-gamit ni Guo sa kanyang assets o yaman na posibleng nakuha sa iligal na paraan.

Naniniwala si Estrada na makakatulong ang naturang hakbang para magkaroon ng masusing imbestigasyon at malaman ang katotohanan sa kinasasangkutan ng Alkalde partikular na sa aktibidad ng money-laundering.

Facebook Comments