Hiniling ni Senator Alan Peter Cayetano sa Department of Budget and Management (DBM) na mag-isyu na ng memo para sa alokasyon ng pondo ng sampung “EMBO” barangays sa ilalim ng 2024 national budget.
Mababatid na mainit ngayon ang ‘word war’ ng Makati at Taguig patungkol pa rin sa naging desisyon ng Korte Suprema na ilipat na sa Taguig City ang hurisdiksyon ng 10 “EMBO” barangays at ang Bonifacio Global City.
Hirit ni Cayetano sa DBM, maglabas ng memo kung saan ang lahat ng pondo ng mga ahensya sa mga EMBO barangays tulad ng Department of Health (DOH) at Department of Education (DepEd) para sa taong 2024 ay mailipat na sa hurisdiksyon ng mga nabanggit na ahensya na nasa Taguig City.
Umapela rin ang senador na maglabas ng memo ang DBM na ilipat na ang item ng mga guro sa distrito ng Taguig dahil sa kabila ng kautusan ay nasa ilalim pa rin ng Makati City ang item ng mga public school teacher at nalilito na rin sila sa magkakasalungat na utos na kanilang natatanggap.
Humiling din si Cayetano sa DBM na pag-aralan na mailipat na sa Taguig City ang huling bahagi ng 2023 Internal Revenue Allotment o IRA sa mga EMBO barangays.
Paliwanag pa ng senador, 2022 pa naging pinal ang desisyon ng Supreme Court na mailipat sa Taguig ang hurisdiksyon sa mga barangay na nasa District 2 ng Makati kaya hindi na kakailanganin ng ‘Writ of Execution’ para sa paglilipat ng management at supervision sa lugar.