Inirekomenda ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang pamamahagi ng electric fans sa mga paaralan upang matulungan ang mga mag-aaral sa napakatinding init ng panahon na nararanasan ngayon sa buong bansa.
Pinili ni Pimentel ang distribusyon na lamang ng mga dagdag na electric fans sa mga paaralan dahil masyadong mahal ang air conditioning unit at hindi ito kakayanin ng budget ng gobyerno.
Iminungkahi ni Pimentel na gamitin ng gobyerno para sa pagbili ng electric fans ang P150 million na confidential fund ng Department of Education (DepEd) ngayong taon gayundin ang pondo ng ahensya para sa pagbili ng gamit para sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Aniya pa, maaari itong iutos ng pamunuan ng DepEd at hindi na kakailanganin ng panibagong lehislasyon para ma-realign ang confidential at pandemic funds ng ahensya.
Suhestyon pa ng senador na hindi na lamang papasukin o kaya ay maaga pauwiin ang mga estudyante kung may abiso ang PAGASA na magiging delikado ang init ng panahon sa araw na iyon at magsagawa na lamang ng make-up classes.
Ipinakokonsidera rin ni Pimentel ang pagbabalik sa dating school calendar kung saan sa buwan ng Abril at Mayo ay nakabakasyon ang mga mag-aaral at sa Hunyo ang simula ng klase.