Pinakikilos ni Senator Francis Tolentino ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na mag-deploy ng portable floating pumps sa ilang bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX).
Dahil sa walang tigil na pag-ulan nitong mga nakalipas na araw ay ilang gabi na rin na stranded ng maraming oras ang mga motorista sa traffic sa NLEX bunsod ng pagbaha.
Partikular aniya na lumulubog sa baha ang bahagi ng Tulaoc Bridge sa San Simon sa Pampanga kaya ilang araw at gabi na ring nagtitiis ang mga motorista sa pagtahak sa NLEX.
Hiling ni Tolentino sa MMDA na kumilos at magdeploy ng mga portable floating pumps na hihigop sa tubig baha para makausad ang trapiko sa NLEX.
Aniya pa, may sapat na kagamitan ang ahensya para mawala ang baha sa lugar.
Inatasan ng senador si MMDA Chairman Romando Artes na makipagugnayan na sa NLEX para matulungan ang ating mga motorista na siya namang tutugunan agad ng opisyal.