
Umapela si Senator JV Ejercito sa Philippine National Police (PNP) at provincial government na maglagay na ng permanenteng substation at checkpoint sa Marilaque highway kasunod ng pagkasawi ng isang motovlogger matapos makabangga ang isa pang rider habang nakikipagkarerahan at nagsagawa pa ng stunt na “Superman ride” sa main highway.
Naniniwala si Ejercito, na isa ring motorcycle enthusiast at biker, na titino ang maraming motorcycle riders kung malalagyan ng permanenteng magbabantay at para maiwasan na gawing racetrack at paggawa ng kung ano-anong stunts ang nasabing kalye.
Nadidismaya ang senador sa mga nangyayaring aksidente sa Marilaque dahil ang lugar ay itinuturing ngayon na number 1 tourist spot na dinarayo ng maraming turista at mga namamasyal.
Nanghihinayang ang mambabatas na naaapektuhan ng mga ganitong aksidente ang sumisiglang mga negosyo at ekonomiya sa lugar.
Kasabay nito ay iniimbitahan ni Ejercito ang motorcycle riders na lumahok sa kanilang inorganisang “Make Marilaque Safe Again” na dadaluhan ng mga kilalang motorcycle riders, ilang personalidad, mga motorcycle riders organizations, at PNP.