Senador, hinimok ang DA at Bureau of Plant Industry na maghinay-hinay sa pag-aangkat ng sibuyas ngayong panahon ng anihan

Hinikayat ni Senator Risa Hontiveros ang Department of Agriculture (DA) at Bureau of Plant Industry (BPI) na hintayin at obserbahan muna ang mga aanihin ng mga magsasaka bago magdesisyon na mag-angkat ng maraming sibuyas.

Naniniwala ang senadora na masyadong huli na ang paglalabas ng awtorisasyon sa pag-aangkat ng sibuyas dahil tapos na ang panahon ng mataas na demand sa produkto tulad noong Noche Buena.

Inirekomenda ni Hontiveros sa mga ahensya ang ‘two-step process’ kung saan mag-iimport lang ng iilang sibuyas at pagkatapos nito ay ‘wait and see’ o maghintay at tingnan muna ang mga ani ng mga magsasaka sa mga susunod na linggo.


Kung hindi mapigilan ang importasyon ay umapela si Hontiveros na huwag itodo o kalahati lang ng ‘authorized amount’ ng pangulo ang i-angkat lalo na kung magiging masagana naman ang aanihing sibuyas partikular sa Nueva Ecija at Mindoro.

Giit pa ng mambabatas, malapit na ang anihan ng sibuyas na tatagal hanggang Abril at kung maganda ang kalabasan ng ani ay posibleng hindi na kakailanganin ng bansa ang 21,060 metriko toneladang imported na sibuyas.

Bukod sa isyu ng suplay ng sibyas, pinakikilos din ni Hontiveros ang mga ahensya na tulungan ang mga magsasaka na muling makabangon matapos na masalanta ng sunud-sunod na masamang panahon.

Facebook Comments