Nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa Department of Education (DepEd) na mas paigtingin pa ang pagbabantay at kakayahang umangkop o mag-adjust sa edukasyon para mapangalagaan ang kapakanan ng mga mag-aaral.
Ito’y sa gitna na rin ng tumataas na temperatura sa buong bansa na inaasahang mas titindi pa sa mga susunod na buwan.
Binigyang-diin ni Go, Chairman ng Senate Committee on Health, na bagama’t mahalaga ang pag-aaral ng mga estudyante ay dapat pa ring iprayoridad ang kalusugan at buhay ng mga kabataan.
Sinabi ng mambabatas na ang adjustment na ipinatupad sa mga paaralan ay patunay lamang ng mga ginagawang hakbang ng pamahalaan para matiyak na magiging tuloy-tuloy at ligtas ang pag-aaral ng mga estudyante.
Mababatid na nagpatupad ang DepEd ng asynchronous classes o distance learning sa lahat ng public schools sa buong bansa ngayong Abril para maipagpatuloy at matapos ng mga magaaral ang lahat ng requirements para sa pagtatapos ng klase habang ang Department of Health (DOH) ay naglabas naman ng mga guideline para sa first-aid practices upang maiwasan ang mga karamdamang nakukuha sa mainit na panahon.