Hinimok ni Committee on Energy Vice Chairman Senator Sherwin Gatchalian ang Energy Regulatory Commission (ERC) na silipin din ang posibilidad ng ‘human error’ sa nangyaring malawakang power outage sa Panay Island.
Puna ni Gatchalian, hindi nasunod ng NGCP ang protocols ng grid code kung saan kapag may pumalyang kahit isang power plant ay awtomatikong nasa emergency state na ito at dapat ay nagpatupad na ng manual load dropping o bawasan muna ang demand sa kuryente upang mabalanse ang supply at hindi mag-trip o biglang mag-shutdown ang ibang mga planta.
Batay kasi sa naging paliwanag ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa pagdinig ng Senado, nanatiling normal ang voltage at frequency at walang nag-overload na linya matapos na mag-shutdown ang unit 1 ng Panay Energy Development Corp. (PEDC) noong tanghali ng January 2 dahilan kaya normal lamang din ang naging dispatch process ng NGCP sa kanilang systems operation.
Pero giit ng senador, malinaw sa protocol ng grid code na emergency state na agad kapag may isang plantang nag-shutdown at ito ay hindi sinunod ng NGCP.
Dahil dito, ipinasasama ni Gatchalian sa ERC ang mas malalim pang imbestigasyon kung saan ipinasisilip ang management kabilang ang mga tauhan ng NGCP na nagdesisyon na panatilihin lang ang dispatch sa kanilang systems operation sa kabila ng shutdown ng PEDC unit 1.
Dagdag ng mambabatas, ang human error ay ‘unpredictable’ kung saan maaaring isipin na may sapat na pagsasanay at kaalaman ang mga tauhan ngunit sa ganitong insidente kung saan hindi nasunod ang protocols ay kailangang alamin kung saan talaga nagkulang.