Senador, hinimok ang gobyerno na bumuo ng science-based na task force laban sa flood control

Hinikayat ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang pamahalaan na lumikha ng science-based na task force na tututok at titiyak sa epektibong flood control sa bansa.

Ginawa ni Cayetano ang panawagan sa gitna ng budget hearing ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) kung saan isiniwalat ng ahensya na ang ilang flood control structures na gawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay “poorly situated” o naitayo sa hindi angkop na lugar at mas lalo pang nagpalubha sa pagbaha sa mga kalapit na komunidad.

Ang task force ay bubuuhin ng DPWH, DENR, at Department of Science and Technology (DOST) na siyang titiyak na ang mga flood control efforts ng gobyerno ay may gabay ng siyensya sa halip na politika.

Iginiit ni Cayetano na sa kaso ng malawakang pagbaha at anomalyang kinasangkutan ng proyekto ay mahalagang magkaroon ng interagency collaboration.

Suportado rin ng minority leader ang ginawang master plan ng DENR dahil ang problema sa flood control ay hindi maituturing na isolated infrastructure program.

Inamin din ng DENR na sinubukan nilang iprisinta sa DPWH ang draft na flood control master plan na nakasentro sa watershed management, nature-based solutions, at risk-sensitive planning, ngunit hindi ito inaksyunan ng ahensya.

Facebook Comments