Senador, hinimok ang gobyerno na panindigan ang ‘no tax exemption’ sa MIF Bill

Iginiit ni Senator Francis “Chiz” Escudero sa pamahalaan na panindigan ang “no tax exemption policy” nito lalong-lalo na sa isinusulong na Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.

Kaugnay ito sa pagkwestyon ni Escudero sa paglilibre sa kontrobersyal na sovereign wealth fund mula sa pagbabayad ng national at local tax.

Sa ilalim kasi ng panukala, ine-exempt o inililibre sa pagbabayad ng lahat ng uri ng buwis at hindi rin ipinasasakop sa Governance Commission for Government-owned and controlled corporations (GCG), sa Government Reform Procurement Reform Law at sa Salary Standardization Law ang MIF.


Maging ang importasyon ng supplies at equipment ng MIF at ng bubuuhing Maharlika Investment Corporation (MIC) ay ililibre rin sa customs duties alinsunod sa Customs Modernization and Tariff Act.

Punto pa ni Escudero, bahagi ng polisiya ng nakaraang administrasyon ang hindi pagbibigay ng tax exemption na siyang dapat panindigan ng mga economic manager ngayon lalo na’t ang ang kalihim ng Budget Department na si Sec. Amenah Pangandaman at si Finance Secretary Benjamin Diokno ay parehong parte ng nakaraang administrasyon.

Tinawag pa ng senador na “bad policy” ang pagbibigay ng maraming exemptions bukod pa sa mahirap ding ipatupad kaya naman mainam na ituloy na lamang ang nasabing polisiya na ‘no tax exemption’.

Dagdag pa ni Escudero, kung ang Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP) na siyang major contributors ng sovereign wealth fund ay nagbabayad ng buwis kasama ang ibang korporasyon bakit nga naman bibigyan ng perks na tax exemption ang Maharlika Corporation.

Facebook Comments