Hinikayat ni Senator Nancy Binay ang Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) na mag-focus sa paggamit ng teknolohiya para paghusayin ang profiling para sa mga hinihinalang biktima ng human-trafficking sa halip na pabigatan ang mga byahero ng mga dagdag na dokumento.
Ayon kay Binay, ang teknolohiya ay magagamit para sa ligtas at maginhawang paglalakbay ng mga pasahero gayundin ay malaking tulong ito para labanan ang human-trafficking sa bansa.
Aniya, kapag napansin na kaduda-duda ang isang pasahero, pagkakataon ito para gawin ng mga immigration officers ang kanilang trabaho at ito ay i-cross check ang impormasyon sa kanilang database at ikumpara ito sa sinasabi ng kinukwestyong pasahero.
Una rito, kinumpirma ng IACAT na simula sa Setyembre 3 ay ipatutupad nila ang bagong guidelines o alituntunin para sa mga Pilipino na umaalis ng bansa.
Alinsunod sa bagong guidelines, hihingi ang IACAT ng dagdag na travel documents para sa self-funded travels tulad ng confirmed roundtrip ticket, proof of accommodation, financial capacity, purpose of travel, proof of employment at iba pang mga dokumento at iba pa ito sa mga requirements na hihingiin kapag sponsored naman ang byahe.
Giit ni Binay, ang dapat na higpitan ay ang mga babyahe papunta sa mga bansa na walang visa at mataas ang human trafficking cases.