Kinalampag ni Senator Christopher “Bong” Go ang administrasyong Marcos na magkaroon ng mas malakas na government intervention para maibsan ang epekto ng nagbabadyang problema sa suplay at pagtaas sa presyo ng bigas.
Kaugnay na rin ito sa ipinataw na ban ng India sa pagluluwas ng kanilang non-basmati rice matapos bahain ang kanilang mga pananim doon at ang nakaambang pagtataas sa presyo ng rice imports sa Vietnam.
Ayon kay Go, ang ‘timing ‘ ng ban ng India sa pag-e-export ng bigas ay malaki ang magiging epekto sa bansa pero hindi naman masisisi ang naturang bansa dahil may sarili silang mamamayan na mas prayoridad ng kanilang gobyerno.
Hiniling ng senador ang agad na paglalatag ng government intervention para mapaigting ang mga programa ng Department of Agriculture (DA) sa pagtulong sa ating mga magsasaka.
Binigyang-diin ni Go ang pangangailangan ngayon na masuportahan ang ating lokal na magsasaka at pagpapalakas ng domestic production ng bigas sa pamamagitan ng pagkakaloob sa mga local farmers ng drought-resistant rice seeds, dagdag na pataba, dagdag na irigasyon, mas marami pang pagsasanay at mas madaling proseso ng pautang sa mga magsasaka na may mababang tubo.
Ang Vietnam naman na pangunahing supplier ng bigas sa Pilipinas ay nagtataas na rin ng presyo kaya hiniling na ni Go sa pamahalaan ang pagkakaroon ng mga hakbang na maging self-reliance ang bansa at mapalakas na ang ating local agricultural sector.