Nagpaalala si Senator Jinggoy Estrada sa publiko na manatili pa ring mapagbantay at ipagpatuloy ang pagsunod sa health protocols kahit pa binawi na ni Pangulong Bongbong Marcos ang “state of public health emergency” sa bansa dahil sa COVID-19.
Ayon kay Estrada, habang ipinagdiriwang natin ang development na ito sa bansa, kailangan pa ring maging maingat ng lahat upang matiyak na mapapanatili natin ang kaligtasan ng nakakarami.
Giit ng senador, ang tuluyang pagluwag ng bansa sa COVID-19 ay hindi dapat maging dahilan para manumbalik ang mga nakagawian bago ang pandemya.
Hiling ni Estrada na palaging isaisip ng bawat isa ang “new normal” kung saan dapat manatili ang pagiging maingat at responsable sa mga araw-araw na gawain
Samantala, sinabi ng mambabatas na ang hakbang ng gobyerno ay isang indikasyon ng positibong hakbang sa ginawang paglaban ng bansa sa pandemya at ang pagtutulungan ng gobyerno at ng mga Pilipino sa pagpigil ng pagkalat ng virus.
Dagdag pa ni Estrada, ang pagbawi na sa state of public health emergency sa COVID-19 ay nangangahulugan na ang bansa ay nasa landas na ng tuluy-tuloy na pagbangon.