Senador, hinimok ang publiko na paniwalaan ang PNP sa imbestigasyon sa kaso ng pagpatay kay Percy Lapid

Hinikayat ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang publiko na mas pakinggan at paniwalaan ang Philippine National Police (PNP) na nag-iimbestiga sa kaso ng pagpaslang sa mamamahayag na si Percy Lapid.

Ito ang tugon ng senador kaugnay na rin sa magkakasalungat na pahayag ng mga ahensya kaugnay sa murder case ng broadcaster.

Apela ni Dela Rosa sa publiko na pakinggan ang PNP sa mga ihahayag sa takbo ng kaso ni Lapid lalo pa’t ang imbestigasyon ay tuloy-tuloy pa rin naman sa pangunguna ni Southern Police District (SPD) Director BGen. Kirby John Kraft.


Sinabi ng senador na kung papakinggan ang maraming nagsasalita tungkol sa kaso ay hindi malabong ma-misinterpret ito ng publiko.

Hindi rin aniya maiiwasan na marami ang maglagay ng masamang interpretasyon sa kaso.

Samantala, sa reaksyon ukol sa pagiging ‘person of interest’ ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag, iginiit ni Dela Rosa na kahit sino sa mga binabanatan ng radio broadcaster ay pwedeng maging suspek sa kaso.

Dagdag pa ni Dela Rosa, maging siya man ay tinutuligsa rin pala ni Lapid sa kanyang mga komentaryo gayong hindi naman sila magkakilala.

Facebook Comments