
Hiniling ni Senator Imee Marcos sa kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos na ipag-utos na ang agarang pagpapalabas ng mga pondong nakatengga o iyong mga “For Later Release” o FLR.
Ang hirit na ito ng senadora ay kaugnay ng direktiba ni PBBM sa kanyang SONA noong Lunes na magsagawa ng performance review at audit sa mga proyektong pinopondohan ng pamahalaan.
Tinukoy ni Sen. Imee na mayroong P1.3 trillion na FLR o pondong nakatengga sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act (GAA) na hindi lamang para sa mga infrastructure projects kun’di mga karagdagang pondo rin para sa agrikultura, edukasyon at kalusugan.
Iginiit ni Sen. Marcos na kasabay ng performance review sa mga proyekto ay dapat ipag-utos na rin ng Pangulo ang agarang paglalabas ng mga pondong naka-FLR upang matapos na ang mga proyektong nasimulan na at mapakinabangan ng taumbayan.
Nananawagan ang mambabatas na huwag nang patagalin at tenggahin ang mga proyektong talagang para sa tao at ibigay na ang mga pondong naka-FLR upang hindi masayang ang mga proyekto.









