
Nagbabala si Senator Panfilo Lacson tungkol sa mga Chinese sleeper agents at miyembro ng People’s Liberation Army ng China na nakakalat ngayon sa bansa.
Sa gitna ng pagdinig ng Senate Committee on National Defense tungkol sa panukalang pagpapalakas ng Espionage Law, ay iniugnay ito sa mga pag-aresto sa mga Chinese nationals na hinihinalang nagsagawa ng espionage activities sa Malakanyang, Commission on Elections (COMELEC), Camp Aguinaldo, Palawan, Makati at sa Dumaguete.
Hinimok ni Lacson sa mga otoridad partikular sa National Bureau of Investigation (NBI), Anti-Money Laundering Council (AMLC) at iba pang law enforcement agencies na huwag tumigil sa pag-aresto at pagsasampa ng kaso hanggang sa matunton ang mga nasa likod ng pang-e-espiya.
Idiniin ng senador na nakasalalay dito ang national security dahil posibleng nagpapatuloy ang pang-e-espiya at maaaring kapag may nahuhuli ay napapalitan lamang ang mga ito.
Naunang sinabi ni NBI Spokesperson Atty. Ferdinand Lavin na hindi bababa sa anim ang operasyon na kanilang ginawa at sa mga ito ay 19 ang nahuli sa paglabag ng Espionage Law kung saan lima sa mga ito ay mga Pilipino.









