Iginiit ni Senator Risa Hontiveros na binigo ng korte si Jemboy Baltazar, ang 17-anyos na napatay ng mga pulis Navotas dahil sa ‘mistaken identity’ noong Agosto 2023.
Ito’y matapos bigyan ng magagaan na hatol ng Navotas court ang anim na pulis na sangkot sa pagpaslang kay Baltazar.
Ayon kay Hontiveros, ang ganitong mga kaso ng ‘mistaken identity’ na nauuwi sa patayan ay nagpapakita lamang ng malalim na kapalpakan sa sistema ng Philippine National Police (PNP).
Binigyang diin ni Hontiveros na ‘murder’ ang dapat na kaso rito at ipinaalala na 19 na pulis ang sangkot sa malawakang operasyon na armado ng matataas na kalibre ng baril at pinagbabaril si Jemboy hanggang sa malunod at masawi.
Paglilinaw ng mambabatas, hindi sila magmu-move on sa kasong ito dahil ito ay paalala ng mahabang pakikipaglaban pa para sa patas na justice system sa bansa.
Hiniling din ni Hontiveros na mabigyan ng sapat na proteksyon ang pamilyang Baltazar upang maprotektahan ang mga ito laban sa anumang banta o paghihiganti mula sa mga nais maghasik ng takot o gulo sa pamilya.