Hiniling ni Senator Robinhood Padilla na bigyan ng ngipin ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) laban sa mga malisyoso at imoral na palabas gamit ang streaming media at online gaming.
Ginawa ng senador ang panawagan sa gitna ng joint hearing para sa pagpapalawak ng saklaw at kapangyarihan ng MTRCB at iba pang ahensya na layong protektahan ang mga kabataan mula sa talamak na illegal content gamit ang social media.
Iginiit ni Padilla na napapanahon na para i-update at bigyan ng ngipin sa pagpapatupad ng kanilang mandato ang MTRCB lalo sa pagbibigay proteksyon sa inosenteng kaisipan ng mga kabataan.
Kasabay nito ay nagbabala ang senador sa mga kabataan na magingat sa paggamit ng social media dahil ito ay maaaring maka “pollute” sa kanilang kaisipan.
Inihalimbawa ni Padilla ang isang pagkakataon na hiniram umano ng kanyang maybahay ang kanya cellphone at bigla na lamang may nagpop up na pornograpiya.
Tinukoy pa ng mambabatas ang Facebook at Tiktok kung saan babad ang mga kabataan na ginagamit na rin sa mga malalaswang content o palabas.