Senador, iginiit na hindi pa pwedeng tapusin ang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee sa kontrobersyal na sugar importation order hangga’t hindi muling humaharap si ES Vic Rodriguez

Hindi pa maaaring tapusin ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon nito ukol sa hindi otorisadong sugar importation order hangga’t hindi pa muling humaharap sa pagdinig si Executive Secretary Victor Rodriguez.

Ito ang binigyang diin ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III makaraang hindi makadalo ngayong araw sa pagdinig si Rodriguez dahil sa Cabinet meeting sa Malakanyang.

Kabilang sa nais klaruhin ni Pimentel ang inisyu na memorandum kay suspended Agriculture Usec. Leocadio Sebastian na nagbibigay kapangyarihan dito para lagdaan ang sugar order no. 4 sa ngalan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.


Mahalaga aniyang malaman gaano kalawak ang ipinagkakaloob na kapangyarihan kay Sebastian sa ilalim ng nabanggit na memo.

Puna ni Pimentel na may mga napansin siyang ‘inconsistencies’ sa naging testimonya ni Rodriguez mula pa sa unang pagdinig kaya’t mahalaga na ito ay mabusisi ng mga senador.

Giit ni Pimentel, hangga’t hindi nasasagot ni Rodriguez ang tanong ng ilang mga senador ay mahihirapan ang Senate Blue Ribbon Committee na i-wrap up ang imbestigasyon at mahihirapan silang gumawa ng committee report.

Facebook Comments