Hindi tayo garahe ng Amerika.
Ito ang binigyang diin ni Senator Sherwin Gatchalian kaugnay na rin sa paglabas pasok sa bansa ng mga US military planes.
Ayon kay Gatchalian, batid niyang may ongoing military exercises sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos pero dapat ay nirerespeto ng US ang ating proseso at hindi ginagawang parang garahe ang bansa na anumang oras ay pwede silang pumasok at lumabas nang walang paalam.
Nabahala aniya siya ng malaman niya sa balita na ilang US military plane ang nag-landing at nag-park sa NAIA kamakailan dahil ito ay isang safety issue lalo’t walang dedicated airport para sa militar at halos lahat ng paliparan ay puro sibilyan ang aktibidad.
Bawal aniya ang ginawa ng Estados Unidos na walang maayos na koordinasyon nang pumasok sa bansa dahil kahit saan naman mapa-civilian o military aircraft, bago lumipad ang isang eroplano ay ipinaaalam muna kung saan ang destinasyon nito, saan at kung anong oras lalapag at kung saan magpa-park.
Sang-ayon din si Gatchalian sa naunang pahayag ni Senator Imee Marcos na kung gaano tayo kaalerto sa mga barko ng China ay dapat maging mapagbantay din ang gobyerno sa mga foreign air assets na pumapasok sa bansa.