Hinimok ni Senate Committee on Tourism Chairman Senator Nancy Binay na maging mahigpit sa pagpapatupad ng seguridad ang bansa sa gitna ng nakatakdang pilot implementation ng kauna-unahang electronic-visa sa August 24 na sisimulang ipatupad sa mga bansang China at India.
Ayon kay Binay, welcome ang implementasyon ng e-visa hindi lamang sa pagpapalakas ng turismo ng bansa kundi ito ay bahagi na rin ng pangako ng gobyerno na padaliin ang proseso ng pagbyahe.
Kaugnay dito ay hiniling ni Binay sa Department of Foreign Affairs (DFA) na gawing non-negotiable requirement ang personal appearance sa consular offices para sa mga dayuhan na mag-a-apply ng electronic-visa.
Sa kabila ng digitalization, iginiit ni Binay na hindi dapat makokompromiso rito ang national security at kaligtasan ng mga mamamayan sa bansa matapos tukuyin na laganap ngayon sa Mainland China ang mga transnational crimes tulad ng human trafficking at prostitution.
Tinukoy ng mambabatas na may mga dayuhang may ibang pakay sa Pilipinas kaya hinimok ni Binay ang DFA at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) na plantsahin ang national security policies para maharang ang mga ‘undesirable travelers’ na nagbabalak lumabag sa ating immigration laws.
Pinare-review ng senadora sa mga ahensya ang sistema at exemptions upang maiwasan ang hindi tamang paggamit at pangaabuso ng mga foreign nationals sa pagkuha ng e-visa.
Hiniling din ni Binay ang paglalatag ng seryosong strategic decision, parameters sa seguridad at multi-layered safety plug dagdag ang ‘face-to-face’ na interview para masiguro na salang-sala ang mga pumapasok sa bansa.