Senador, iginiit na magkaroon ng “full disclosure” sa mga taga-gobyerno na may kaanak na kasapi ng mga rebelde o teroristang grupo

Hiniling ni Senator Francis Tolentino ang “full disclosure” ng lahat ng mga nasa gobyerno na may kamag-anak na lider o myembro ng mga teroristang grupo tulad ng New Peoples Army (NPA).

Sinabi ito ni Tolentino sa gitna ng privilege speech kung saan binanggit ang pagkakadakip sa kapatid ni Commission on Higher Education (CHED) Chairperson Prospero de Vera III na si Adora Faye de Vera na nahaharap ngayon sa patong-patong na kaso ng pagpatay.

Iginiit ni Tolentino na kung taon-taon ay naghahain silang mga taga gobyerno ng Statement of Assets, Liabilities and Net-worth o SALN ay mas lalong dapat na obligahin silang mga nagtatrabaho sa pamahalaan na ideklara kung may kaanak silang myembro ng mga rebeldeng grupo lalo na’t ito ay makakaapekto sa national security ng bansa.


Maaari aniyang pag-aralan ito ng Civil Service Commission (CSC) at ng Senado.

Para naman kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, malinaw naman na walang kasalanan si Chairman de Vera sa ginawa ng kapatid at kailangan ding amyendahan ang batas kung idadagdag sa pagsusumite ng SALN ang mga kaanak na may koneksyon sa mga rebeldeng grupo.

Facebook Comments