Senador, iginiit na mas mabuti na ang panandaliang reenacted budget kaysa madaliing ipasa ang 2026 national budget

Naniniwala si Senate President Pro-Tempore Ping Lacson na mas makabubuting magkaroon ng panandaliang reenacted na 2025 budget kaysa madaliin ang pag-apruba sa 2026 national budget.

Ito ang reaksyon ni Lacson matapos na sabihin ni Executive Secretary Ralph Recto na sa unang linggo ng Enero ng susunod na taon pa malalagdaan ni Pangulong Bongbong Marcos ang 2026 national budget.

Para kay Lacson, mas mainam na ang ilang araw na reenacted budget kumpara sa madaliin ang pagpapasa ng pambansang pondo na hindi naman pala tumutugon sa pangangailangan at sa gitna na rin ng mga hindi pa nareresolbang imbestigasyon sa maling paggamit at pang-aabuso sa kasalukuyang mga programa tulad ng flood control projects.

Tiwala rin si Lacson na ang panandaliang reenacted budget ang pinakamakatwirang opsyon lalo pa’t nagkaroon ng hindi pagkakasundo noong una ang Senado at Kamara sa ilang budget items.

Ilan sa mga ito ang pagdagdag sa pondo ng farm-to-market roads at mga ayuda programs gaya ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) at Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) na bukas sa pang-aabuso ng mga politiko.

Bukod sa ginawa ng Senado na paglalagay ng safeguard provisions sa national budget upang maiwasang magamit ang mga programa at proyekto sa korapsyon, naniniwala si Lacson na ang susi ay ang mahigpit na pagbabantay at pagre-report agad sa mga magtatangkang mang-abuso sa pambansang pondo.

Facebook Comments