Senador, iginiit na matuto ng leksyon ang lahat ng local officials mula sa pagkakasuspinde ng mga opisyal sa Porac, Pampanga

Nagbabala si Senator Sherwin Gatchalian sa mga lokal na opisyal ng pamahalaan na matuto sa nangyaring pagkakasuspinde sa mga local official ng Porac, Pampanga.

Kasunod na rin ito ng pagpapataw ng Office of the Ombudsman ng preventive suspension kay Porac, Pampanga Mayor Jaime “Jing” Capil, kasama ang Vice Mayor at walong konsehal ng bayan dahil sa kapabayaan at pamamayagpag ng mga krimen sa sinalakay na POGO hub na Lucky South 99.

Ayon kay Gatchalian, dapat na magsilbing leksyon ito sa lahat ng local officials na patuloy na kinukunsinti ang mga ilegal na operasyon ng POGO sa kanilang lugar sa kabila ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na total ban sa lahat ng POGO.


Hindi aniya dapat magbulag-bulagan sa mga ilegal na gawain ng mga sindikato ang mga lokal na opisyal dahil tiyak na may katapat na parusa ang kanilang mga magiging aksyon.

Paalala ni Gatchalian sa mga local official, obligasyon nila na linisin ang mga nasasakupang lugar mula sa mga gawaing labag sa batas.

Facebook Comments