Senador, iginiit na pag-aralang mabuti ang itinutulak na Cha-cha

Hiniling ni Senator Lito Lapid sa mga kapwa senador na pag-aralang mabuti ang isinusulong na economic charter change (Cha-cha).

Ayon kay Lapid, ang pag-amyenda sa Konstitusyon ay hindi maituturing na isang simpleng bagay at napakaraming katanungan tungkol dito ang dapat munang sagutin.

Ilan sa mga tanong aniya ay kung kailangan na ba talagang amyendahan ang Konstitusyon, alin ang dapat baguhin at kung sa papaanong paraan ito gagawin.


Sinabi pa ng senador na maraming panig ang kailangang mapakinggan sa Cha-cha at mahalagang malaman ay kung para kanino ang pag-amyenda sa Saligang Batas.

Sa kabilang banda ay tiniyak ni Lapid na nakahanda naman ang mataas na kapulungan na pagusapan ang mga panukalang amyenda sa Konstitusyon at tiwala silang mga senador na sa kamay ni Senate President Juan Miguel Zubiri ay magiging makabuluhan ang pagaaral ng saligang batas kung saan interes at kapakanan ng taumbayan ang isasaalang-alang.

Facebook Comments