Iginiit ni Senator Robin Padilla na walang nilabag na batas si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa paglilipat ng pondo para sa COVID-19 noong panahon ng pandemic.
Ayon kay Padilla, walang nilabag na batas si Duterte sa paglipat ng mahigit ₱47 billion na COVID funds sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (DBM) dahil noong mga panahon na iyon ay binigyan ng emergency powers ang dating pangulo para tugunan ang krisis.
Salig aniya sa Section 4 ng Bayanihan Law at ng Government Procurement Policy Board Resolution, sinasabi dito na hindi nag-a-apply sa regular procurement procedures ang pagbili ng mga Personal Protective Equipment (PPEs).
Binigyang-diin ni Padilla na wala na dapat batuhan pa ng putik dahil ang Pilipinas tulad ng ibang mga bansa noong panahon ng pandemya ay kinailangang gumastos ng malaki para labanan ang pandemic.
Matatandaang noong nakaraang linggo ay sinabi ni dating Health Secretary Francisco Duque III sa oversight hearing ng Kamara na ipinag-utos ni Duterte ang paglipat ng COVID funds sa PS-DBM para sa pambili ng COVID supplies.