
Aminado si Senate President Ping Lacson na hindi niya matanggap ang naging pahayag ni Senator Rodante Marcoleta na i-give up o isuko na lang ang Kalayaan Island Group (KIG) para wala nang gulo.
Gusto sana niyang maniwala na hindi ito sinabi ni Marcoleta pero nakalagay ito sa record ng pagdinig ng Commission on Appointments (CA) para sa kumpirmasyon ng 35 AFP officers.
Giit ni Lacson, ang mungkahing isuko ang KIG ay walang pinagkaiba sa pagsuko sa Luzon o ng buong bansa.
Hindi rin aniya pwedeng sabihin na nasa labas ng exclusive economic zone o EEZ ng bansa ang KIG dahil ito ay munisipalidad ng Palawan at minsan na siyang nagtungo doon para sa pagbibigay ng pondo sa Pag-asa Island.
Binigyang-diin pa ng mambabatas na kailangang liwanagin ito dahil sa atin at may basehan ang bansa para angkinin ang naturang teritoryo.
Posible namang ipa-strike out o ipatanggal sa records ang naturang sinabi ni Marcoleta na sinangayunan naman ni Lacson dahil hihina ang posisyon ng institusyon sa pagtatanggol sa ating teritoryo.










