Senador, iginiit sa mga paaralan na maigting na ipatupad ang Anti-Hazing Law

Kinalampag ni Senator Sherwin Gatchalian ang mga paaralan na paigtingin ang mga hakbang laban sa hazing.

Kaugnay na rin ito sa pagkasawi sa hazing ng isang criminology student na si Aldrin Bravente ng Philippine College of Criminology.

Binigyang diin ni Gatchalian ang mahalagang papel ng mga paaralan na protektahan ang mga mag-aaral at ang legal na obligasyon na maglatag ng mga proactive measures laban sa hazing.


Tinukoy ng senador, na Chairman ng Senate Committee on Basic Education, na sa ilalim ng Anti-Hazing Law ang mga eskwelahan ay may mandato na hindi lang protektahan ang mga estudyante kundi maglunsad ng mga informational campaign sa mga mag-aaral at magulang sa tuwing magsisimula ang semester o trimester patungkol sa consequences o magiging resulta ng hazing.

Ipinaalala pa ng senador, na ipinagbabawal sa Anti-Hazing Law ang lahat ng uri ng hazing sa mga fraternities, sororities, at organisasyon sa mga paaralan kabilang ang citizen’s military at army training.

Samantala, nagpaabot din si Gatchalian ng pakikiramay sa pamilyang Bravente kasabay ng panawagan sa mga awtoridad na mapanagot ang lahat ng sangkot sa pagkamatay ng biktima.

Facebook Comments