Naalarma si Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa mga mamahaling baril na mayroon ang mga Chinese syndicates na nasasangkot sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO-related crimes.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado, tinukoy ni dating Pasay City Police Chief Col. Byron Tabernilla ang mga naarestong tatlong Chinese nationals na sangkot sa abduction at ‘kidnap for ransom’ sa mga POGO na laman ng naunang privilege speech ni Senator Grace Poe.
Batay sa naging privilege speech ng senadora noong December 14, 2022, ang babaeng biktima ay inalok ng trabaho bilang personal assistant pero kalaunan nang kikitain niya ang kanyang employer ay dinala ito sa isang POGO dorm sa Cavite para sana ibenta at bandang huli ay pinatubos na lamang sa mga kaanak sa halagang P250,000.
Ang nasabing biktima ay tinukoy naman ni Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) Deputy Director for Operations Col. Ericson Dilag na isang Malaysian national pero sa naunang pahayag ni Poe Filipino-Chinese naman ang nasabing babaeng biktima.
Tinukoy ni Tabernilla, ang mga naaresto na Chinese nationals na kinilalang sina Jia He Zhang, Yun Gao at Lie Wang at nakumpiska sa mga ito ang dalawang de-kalibreng armas at granada.
Giit ni Dela Rosa, hindi basta-basta na organized crime group ang mga Chinese na dumukot sa Pinay dahil sa klase ng baril na mayroon sila, isang Kimber gun at CZ 75 na bukod sa maganda at mataas ang kalidad ay napakamahal din ang presyo.
Napag-alaman pa sa pagdinig na wala ring records sa firearms and explosives office (FEO) ang mga nakumpiskang baril ng mga Chinese.
Dismayado si Dela Rosa na kulang na kulang ang PNP sa pagkontrol sa paglaganap ng mga ganitong klase ng armas na hindi rehistrado at malayang nakakapasok o naibebenta sa bansa.
Babala pa ng senador, kung ganito ang sistema ay baka isang araw paggising natin ay maglabas na ng armas ang mga Chinese at magdeklara na sa kanila ang Pilipinas.