Umapela si Senate Committee on Health Chairman Christopher ‘Bong’ Go sa mga Pilipino na maging alerto at palagiang iprayoridad ang kanilang kalusugan sa gitna ng pagtaas ng kaso ng typhoid sa bansa.
Ito ay makaraang ilabas ng Department of Health (DOH) ang datos na umabot na sa 17,531 ang kaso ng typhoid ngayong taon o 38 percent na ang itinaas mula Enero hanggang Setyembre kung ikukumpara noong nakaraang taon sa kaparehong period.
Hinikayat ni Go ang publiko na palaging tiyakin ang kalinisan sa katawan at agad na magpakonsulta sa sandaling may naramdamang hindi maganda sa katawan.
Sinabi ni Go na dapat maging vigilante ang lahat sa mga sintomas ng sakit na kinabibilangan ng lagnat at pagsusuka.
Hinimok din ni Go ang gobyerno at mga health agencies na paigtingin ang kanilang kampanya upang maturuan ang publiko kung paano maiiwasan ang naturang sakit, palakasin ang healthcare services at magpatupad ng istriktong hakbangin upang matiyak ang ligtas na pagkain at inuming tubig.