Ikinalugod ni Senator Ramon Bong Revilla Jr., ang desisyon ng Philippine Reclamation Authority (PRA) na suspindihin muna ang koleksyon ng toll sa ilang bahagi ng Manila-Cavite Toll Expressway (CAVITEX).
Ayon kay Revilla, tiyak na malaking ginhawa ito para sa publiko lalo’t ang presyo ng mga produkto at serbisyo ay patuloy pa rin sa pagtaas.
Nagpasalamat din ang senador kay Pangulong Bongbong Marcos dahil batid niya ang dinaranas ng mga kababayan, lalo na ang mga ordinaryong tao matapos ang anunsyo na 30 araw na suspensyon sa paniningil ng toll fee sa ilang bahagi ng CAVITEX.
Ipatutupad ang toll holiday sa Taguig, Parañaque, Las Piñas, at Kawit.
Kasabay nito, pinuri din ni Revilla ang patuloy na infrastructure development sa buong bansa partikular sa Cavite at Southern Luzon.
Sinabi pa ng mambabatas na inaabangan na rin ng mga Caviteños ang pagtatapos ng LRT Line-1 Extension na inaasahang makakatulong sa pagpapabilis ng transportasyon.
Hinihingi naman ni Revilla ang pangunawa ng publiko sa mabigat na trapiko na posibleng idulot ng pagsasaayos ng daan sabay ng pagtitiyak na paalalahanan nila ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga contractors sa agad na pagtatapos ng proyekto.