Inirekomenda ni Senator Francis Tolentino ang pagpapatupad ng “Adopt a Livestock” Program sa iba’t ibang munisipalidad sa lalawigan ng Albay sa gitna na rin ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Ang mungkahi ng senador ay base pa rin sa kanilang naging karanasan noong pagputok ng Bulkang Taal kung saan ipinatupad ang programa upang mailipat sa ligtas na lugar ang mga alagang hayop.
Dito ay mag-uusap ang may-ari at ang aampon sa mga hayop kaugnay sa mga kailangang gastusin at posibleng kasunduan para sa pangangalaga ng mga hayop.
Matatandaang si Tolentino ang tumayong over-all onsite point person sa pagsabog ng Mayon noong 2018 at Taal noong 2020.
Sa datos, nasa 10,600 na residente sa loob ng permanent danger zone sa Mayon ang inilikas kabilang ang 5,000 katao sa Guinobatan.
Kasabay nito, pinuri ni Tolentino ang mabilis na aksyon ng provincial government ng Albay na nagdeklara ng state of calamity upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente at livestock sa lalawigan.