Hinimok ni Senator Risa Hontiveros si Senate Committee on Finance Chairperson Grace Poe na maglagay ng probisyon sa 2025 General Appropriations Act (GAA) na hindi lalagpas sa panukala ng National Expenditure Program (NEP) ng Malacañang ang maaaprubahang budget version ng Kongreso.
Sa unang araw ng budget deliberation sa plenaryo, pinuna ni Hontiveros ang mga nakakabahalang pagbabago na ginawa sa 2024 national budget.
Sinabi ng senadora na binawasan ang pondo para sa mga malalaking imprastraktura na panlaban sana sa matitinding pagbaha at inilagay ang mga ito sa mga hyperlocal o maliliit na proyekto.
Tumaas din ang pondo para sa unprogrammed funds o mga proyektong hahanapan pa ng pondo na mula ₱300 billion ay umakyat pa ito sa ₱731 billion.
Pinatitiyak din ng mambabatas na hindi malalagay sa unprogrammed funds ang mga pangakong programa ng gobyerno na nasa ilalim ng prayoridad ng National Economic and Development Authority (NEDA).
Nangako naman si Poe na kaisa siya at isusulong niya na hindi lumagpas sa inirekomendang budget ng NEP ang mapapagtibay na budget sa ilalim ng GAA.