Inirekomenda ni Senator Chiz Escudero sa Department of Migrant Workers (DMW) at sa Department of Foreign Affairs (DFA) na magsulong ng prisoner exchange o prisoner swap sa mga bansa na may Pilipinong nakabilanggo.
Ayon kay Escudero, mas pabor at mas makakatulong ang palitan ng bilanggo sa mga bansang may nakakulong na Pilipino dahil mas madadalaw sila ng kanilang pamilya.
Sa prisoner swap ay dito na lang sa bansa magsisilbi ng kanilang sentensya at makukulong ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) na nahatulan sa ibang bansa kapalit ng mga nationalities na nakakulong sa Pilipinas sa mga bansang may ganitong kasunduan.
Sinabi naman ng DMW sa pamamagitan ni Senator JV Ejercito na siyang nagdepensa sa kanilang budget na ito ay pagaaralan at makikipagpulong sila sa DFA.
Sa panukala naman ni Escudero, hindi maisasama sa prisoner swap ang mga nahatulan ng kamatayan sa ibang bansa.
Ipinasasama rin sa budget ng DMW ang alokasyon para sa blood money o perang pambayad sa pamilya na nagawan ng OFW ng krimen.