Inirekomenda ni Senator Chiz Escudero na pag-aralan ng Office of the Solicitor General (OSG) ang paghahain ng “special action for recognition of foreign judgement” sa Supreme Court.
Layunin nito na pormal nang kilalanin sa ating bansa ang pagpabor ng Permanent Court of Arbitration na bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas ang West Philippine Sea.
Aniya, kapag ginawa ito ay magiging bahagi na ng batas ng Pilipinas ang arbitral ruling na pumapabor at kumikilala sa soberenya ng bansa sa naturang pinag-aagawang rehiyon.
Hindi rin aniya mababago o mababaligtad ang posisyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea sakali mang iba ang maging pananaw ng mga susunod na lider o presidente ng bansa.
Dagdag pa ni Escudero, naibahagi niya na sa ilang DFA officials ang kanyang naturang suhestyon.
Samantala, tutol naman ang senador na iakyat sa United Nations General Assembly (UNGA) ang isyu ng ating bansa sa ginagawang panghihimasok ng China sa West Philippine Sea dahil tulad kay Senator Alan Peter Cayetano, naniniwala si Escudero na posibleng magpahina ito sa naunang desisyon ng arbitration court sakaling hindi makakuha ng sapat na boto ang Pilipinas.