Senador, imumungkahi na limitahan lang ang listahan ng mga IDs na pwedeng gamitin sa online SIM registration

Irerekomenda ni Senator Sherwin Gatchalian na limitahan lang muna ang bilang ng mga IDs na pwedeng gamitin sa pagpaparehistro ng SIM.

Kaugnay na rin ito sa insidente kung saan nag-eksperimento ang National Bureau of Investigation (NBI) at gumamit ng fake ID na may larawan ng unggoy sa pagrehistro ng SIM na matagumpay namang naiproseso.

Dahil sa 17 ang listahan ng mga IDs na maaaring gamitin sa SIM registration, imumungkahi ni Gatchalian na i-suspend muna ang paggamit sa ibang mga IDs o amyendahan ang batas at limitahan lamang sa mga IDs na secure at hindi madaling pekein.


Ilan sa mga IDs na sa tingin ng senador ay mahirap pekein ay ang passport, national ID at driver’s license.

Umapela naman si Gatchalian sa mga telecommunications companies na gumawa ng paraan na salain ang mga nagpaparehistro at pag-aralan na magkaroon ng validation process para makumpirma kung tama ba o peke ang gamit na ID.

Facebook Comments